Sa inilabas na desisyon ng lupon laban kina PSSg Ernesto Camacho Jr. at PSSg Robert Masong Cabudoy Jr. ng Manila Police District (MPD) ay pinapanagot ang dalawang pulis-maynila sa kanilang kasong kinakaharap.
Matatandaang noong Hulyo 14, 2024, sa salaysay ng biktima, pasado alas kwatro ng umaga, habang bumabiyahe papasok ng trabaho ang biktimang si David sa kahabaan ng kalye M.H. Del Pilar, Brgy. Mabolo, Valenzuela City, napansin niya ang dalawang sakay ng motorsiklo na pawang walang mga suot na helmet at naka-tsinelas lamang. Binabalak pa lamang umano niyang sitahin ang mga ito nang bigla na lamang siyang nitong salubungin para komprontahin.
Nang makorner si David ng mga nakamotor ay bumaba ang mga ito at nilapitan siya. Doon na napag-alaman na mga parak ng Maynila ang dalawa. Una siyang nilapitan ng angkas ng motor na si Camacho, bumunot ng baril, at itinusok sa kanyang sikmura. Namilipit sa sakit ang biktima habang ang kanyang motor naman ay natumba. Tila lalo namang umangat ang tensyon noong sumunod na lumapit ang nagmamaneho ng motor na si Cabudoy. Naglabas din ito ng baril at itinutok sa biktima. Habang nakatutok sa biktima ang baril ay nagbanta pa ito kay David, “Gusto mo patayin na kita rito?”
Noo’y lumapit ang isa pang kasamahang pulis ng dalawa na nagpakilalang si PCpl James Dale Vargas Dela Peña, at agad namagitan sa insidente. Iniabot niya ang tumilapong helmet sa biktima at pinaalis na ito upang hindi na magkagulo pa. Sinamantala naman ito ng mga suspek at agad na lumipad patungong Malanday.
Sa kabilang banda, nahatulang guilty ng Metropolitan Trial Court ang mga suspek sa kasong Grave Threats at Physical Injury–sa bisa ng R.A. No. 10951–at pinatawan ng parusa ayon sa bigat ng kanilang nagawa. Si Camacho ay makukulong hanggang 20 araw at magbabayad ng PhP 5,000 halaga para sa pinsalang moral, habang si Cabudoy naman ay mapipiit nang hanggang apat na buwan at magbabayad ng danyos na PhP 10,000.
Sa isang presscon na pinangunahan ni Mayor WES Gatchalian, binati niya ang mga taong nagtulong-tulong upang panagutin ang mga sigang pulis. Pinasalamatan niya rin ang pamunuan ng MPD sa kanilang pakikipagtulungan para sa mas mabilis na paggulong ng kaso. Tiniyak din ni Mayor WES na walang pangamba mula sa mga abusadong pulis sa Valenzuela City. Ibinigay niya ang kanyang buong suporta sa mga kawani ng pamahalaang lungsod at siniguradong lagi siyang nakaagapy sa kanila. Aniya, “Dito sa Valenzuela, hindi natin tinotolerate ang mga bastos at siga. Dito sa Valenzuela, mahal ko ang mga kawani natin sa city hall. Bilang ama ng lungsod at kayo ang aking anak, ipagtatanggol ko kayo hanggang sa dulo.”
Sa ginanap na media briefing ay dumalo rin sina PLEB Chairperson Councilor Ricar Enriquez, Valenzuela City Transportation Office (VCTO) Head Jose Valenzuela, at mga opisyal mula sa National Police Commission (NAPOLCOM) na sina NAPOLCOM Consultant Atty. Monina Cayayab at Vice Chairperson and Executive Officer Atty. Rafael Vicente Calinisan.
Sa kasalukuyang pag-uulat ay wala pang natatanggap na pahayag ang lokal na pamahalaan mula sa dalawang suspek.
###