NEWS

September 10, 2025

Mag-asawang Sangkot sa Pamemeke ng Government IDs, Inaresto

Valenzuela City | Kalaboso ang inabot ng mag-asawang sangkot sa pamemeke ng government-issued IDs matapos arestuhin ng mga otoridad at mapatunayang talamak sa nasabing iligal na gawain, Setyembre 8.

Natukoy ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mag-asawang sina alyas Chippie, 44 anyos, at alyas Kaye, 40 anyos, sa serye ng imbestigasyon na isinagawa ng kapulisan para sa pagkakadakip ng dalawang indibidwal. Parehong nakatira sa Valenzuela City ang mag-asawang suspek, kung saan sa mismong bahay na rin nila ginagawa ang mga pekeng ID.

Bago ang aktuwal na pagkaka-aresto sa mga suspek, nakarating sa tanggapan ni City Mayor WES Gatchalian ang reklamo ng City Health Office tungkol sa umano’y maanomalyang paggamit ng mga pekeng ID sa iba’t ibang establisyemento sa lungsod para makakuha ng discount, lalo na ang senior citizen and person with disability ID. Naglalaro ang presyo ng mga pekeng ID mula PhP40.00 hanggang PhP400.00 depende sa klase ng ID na pepekein. Doon ay kaagad namang nakipagpulong ang alkalde sa City Health Office at City Council upang masimulan na ang imbestigasyon hinggil sa kaso at alamin kung saan nagmumula ang mga pekeng dokumentong nagkalat sa lungsod.

Sa pakikipagtulungan ng Northern District Anti-Cybercrime Team (NDACT), napag-alaman na ang mga suspek ay nagpo-post gamit ang social media upang alukin ang kanilang mga parokyano na magpagawa ng pekeng dokumento, partikular na ang mga government-issued IDs. Kapag nayari na ang ID na ipinagawa ng kanilang kliyente ay ipapadala naman nila ito sa pamamagitan ng courier services at babayaran naman gamit ang Gcash.

Nang makakuha ng sapat na impormasyon tungkol sa mga suspek, nagpanggap na kliyente ang otoridad at nagpagawa rin ng ID. Sa nasabing transaksyon ay natukoy nila ang pugad ng mga suspek matapos maipadala sa kanila ang pekeng ID na ipinagawa nila. Dito na kumilos ang kapulisan at kaagad tinunton ang lugar na kanilang natukoy.

Sa bahay, kung saan nakatira ang mag-asawang suspek ay nakulimbat ang iba’t ibang pekeng government-issued ID gaya ng Philhealth, SSS, UMID, TIN, Driver’s License, at iba pa. Nakumpiska rin sa bahay ng mga suspek ang mga hinihinalang kagamitan nila sa kanilang iligal na gawain, gaya ng printer.

Nahaharap ngayon ang mag-asawa sa kasong paglabag sa Article 172 (Falsification by Private Individual and Use of Falsified Documents) ng Revised Penal Code, kaugnay sa Section 6 ng RA 10175 o ng Cybercrime Prevention Act of 2012. Kasalukuyan naman silang nakapiit sa Valenzuela City Police Station habang patuloy sa paggulong ang kaso.

 Sa presscon na ginanap kaugnay sa kaso, binanggit ni Mayor WES ang validation portal na mayroon ang Valenzuela—ang VAL ID. Sa nasabing portal ay mas madaling malalaman kung ang ipiniprisintang ID ng kliyente ay tunay at hindi peke. Maaaring ma-access ang portal sa https://valid.valenzuela.gov.ph/ gamit ang phone o desktop man. Sa tulong nito, mas mapapadali na ang real-time verification ng ID sa bawat transaksyon.

 Sa kabilang banda, seryoso naman ang lokal na pamahalaan, sa pangunguna ni Mayor WES, upang supilin ang naguusbungang pamemeke ng ID gaya nito, kung kaya’t layong paigtingin ang kampanya sa pamamagitan ng Public Awareness efforts sa lungsod.

###

CITY GOVERNMENT OF VALENZUELA
The City Hall, MacArthur Highway, Karuhatan, Valenzuela City, Metro Manila
info@valenzuela.gov.ph