Suspek na Nanakit at Nanghalay ng Estudyante, Kulong; Pulis-Valenzuela, Pinuri ni Mayor WES
Kinumpirma mismo ng biktima ang suspek na kinilalang si alyas Ian, 40 taong gulang, may asawa, residente ng Brgy. Gen. T. De Leon, Valenzuela City, nang madakip ito at isailalim sa kustodiya ng Valenzuela City Police Station (VCPS). Habang ang biktima naman, na tumangging isapubliko ang pangalan ay naninirahan din sa barangay na nabanggit.
Ika-18 ng Setyembre, isang Facebook post tungkol sa babaeng estudyanteng sinaktan at ginawan ng kahalayan ang nag-viral at humakot ng maraming engagements sa social media ang nakarating sa lokal na pamahalaan. Dahil doon, kaagad na ipinag-utos ni Mayor WES Gatchalian ang masusing imbestigasyon upang matunton ang pinagtataguan ng suspek.
Sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad ukol sa krimen, habang ang biktima ay naglalakad sa footbridge pauwi sa kanilang bahay ay nilapitan siya ng suspek at bigla na lamang pinagsusuntok ang kanyang tiyan, dahilan upang bumagsak siya sa sahig. Ayon naman sa biktima, nang subukan niyang tumayo para magpatuloy sa paglalakad ay binalikan siya ng suspek at hinabol. Nang maabutan ang biktima ay itinulak siya hanggang sa masalampak siya sa sahig. Nilapitan siya ng suspek at umupo sa ibabaw niya habang ilang beses na sinuntok ang kanyang ulo. Habang nasa ganoong puwesto ay sinimulang hawakan ng suspek ang dibdib ng biktima habang patuloy siyang sinusuntok, bago tuluyang tumakbo palayo. Ang biktimang naiwang nakasalampak sa sahig, bagamat nanghihina at puno ng galos ay pinilit na maglakad pauwi hanggang sa makita siya ng kanyang magulang at mga rumespondeng Bantay Bayan.
Dahil sa mabilis na responde ng awtoridad ay nagawa nilang tukuyin ang itsura ng suspek at kung saan ito nagtatago. Mula sa narekober na CCTV footages mula sa pinangyarihan ng krimen ay nasundan ng tracking team ang lugar kung saan tumakbo ang suspek. Kaagad namang nadakip ang suspek at binitbit patungong presinto.
Nagpahayag naman ng kanyang mensahe si Mayor WES hinggil sa kaso, nang harapin niya ang suspek. Aniya, hindi niya palalampasin ang ganitong klase ng kawalangyaan sa lungsod at sisiguruhin niyang makukulong ang sino mang bumababoy sa batas.
“Seryoso po ang Pamahalaang Lungsod at ang ating kapulisan sa pagpapanatili ng kaligtasan at dangal ng bawat bata. Walang lugar sa ating lungsod para sa ganitong klaseng karahasan,” ani Mayor WES.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong kriminal para sa paglabag sa Acts of Lasciviousness and Physical Injuries, at kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya habang nakabinbin ang mga pormal na kasong isasampa sa kanya. Ayon sa report, ang suspek ay dati na ring nakulong ng dalawang taon sa kasong illegal drugs at illegal gambling.
###